Kilala tayong mga Pilipino na labis magpahalaga sa ating pamilya. Mahigpit at matibay ang pagkakabigkis natin sa ating pamilya na kahit ilang taon man ang lumipas ay hinding-hindi maaalis sa atin ang mga alaala na mayroon tayo sa ating mga magulang, mga lolo at lola, mga kapatid o maging sa mga malayo nating kamag-anak.
Bukod sa matibay na relasyon natin sa ating pamilya ay may isang bagay pa tayong mga Pilipino na maipagmamalaki sa buong mundo, iyon ay ang pagdiriwang natin ng Pasko.
Kamakailan nga ay inilunsad ng Disney, isang sikat na American entertainment company ang isang Paskong-Pinoy themed advertisement kung saan bida ang ilang Filipino traditions at values kagaya na lamang ng pagsasama-sama ng pamilya tuwing pasko at pagpapahalaga sa ating mga magulang, lolo at lola. Makikita rin sa advertisement ang sikat na “parol” o Christmas lantern ng mga Pilipino.
Ginawa ng Disney ang advertisement para ipagdiwang ang ika-40 taong partnership nila sa isang nonprofit organization na nakabase sa Amerika na “Make-A-Wish”.
Ayon sa kanilang website, ang “Make-A-Wish” ay isang foundation na tumutulong para matupad ang mga hiling ng mga batang may kapansanan.
Nakasentro ang storya ng advertisement sa isang lola na niregaluhan ng kanyang ama ng isang Mickey Mouse doll, isa sa mga iconic Disney character, sa araw ng pasko noong taong 1940. Labis na pinahalagahan at iningatan ng Lola ang regalo ng kanyang ama sa kanya.
Hanggang siya nga ay nagkaroon ng kanyang sariling pamilya at ipinamana niya sa kanyang apo ang laruan na iniregalo sa kanya ng kanyang ama. Ang laruan ang magkokonekta sa Lola at sa kanyang apo pati na rin ang magpapaalala sa kanila sa tunay na diwa ng pasko, iyon ay ang pagsasama-sama at pagmamahalan ng isang pamilya.
Ayon naman sa Disney, “The heart-warming storyline is inspired by the themes of traditions, family togetherness, and nostalgia.”
Nasa tatlong minuto ang nasabing paskong-Pinoy themed advertisement ad at wala itong dialogue.
Tanging ang pagkanta lamang ng singer na nakabase sa UK na si Griff ng kantang “Love Is A Compass” ang maririnig sa video.
Sa ngayon, ay umeere sa mga Disney channel ang nasabing advertisement. Mapupunta naman sa “Make-A-Wish” foundation ang kikitain ng advertisement.
The post Isang nakakaiyak na video ang ginawa ng Disney kung saan ibinida ang paskong Pinoy appeared first on Trend Star.
Source: Trend Star
0 Comments