Mabait na anak at kaibigan. May malasakit sa kanyang kapwa. Mapagmahal sa kanyang pamilya. Kwela. Matalino. Mapagkumbaba. Ilan lamang ito sa katangian ng isang Lloyd Cafe Cadena o mas kilala bilang Kween LC ng kanyang mga tagahanga at subscriber sa YouTube.
Hinahangaan ng lahat dahil sa kabila ng atensyong kanyang nakukuha sa online world ay nanatiling mapagkumbaba si LC. Sinisigurado rin nitong naibabalik niya sa kapwa ang mga biyayang natatanggap niya bilang isang vlogger.
Sa mga hindi pa nakakakilala sa kanya, isa si LC ay isa sa mga unang Pinoy vlogger na nagpasikat ng vlogging sa Pilipinas.
Pumatok sa lahat si LC dahil sa kanyang natural na talento sa pagpapatawa. Taong 2010 nang simulan niya ang pagba-vlog. Kolehiyo pa lang noon si LC nang simulan niya ang kanyang YouTube channel.
Pagkalipas ng 10 taon, ay umabot na sa mahigit 8 million ang pinagsamang subscribers ng dalawa niyang YouTube channel na “Lloyd Cafe Cadena VLOGS” at “Lloyd Cafe Cadena”. Dahil sa maraming suporta na natanggap ni LC ay mayroon na itong fandom na tinawag niyang “Cadenators”. Sumikat din sa lahat si LC dahil sa kanyang iconic tagline na, “Gusto mo ‘yun? Gusto ko ‘yun!”
Ilan lamang sa vlogs na mapapanood sa YouTube channel ni LC ay tungkol sa kanyang travel & adventure, pranks, challenges, ang kanyang pang-araw-araw na buhay at “and all other cr@zy random things he’ll get into as he curiously explores the world with a “BONGGA NA!” attitude all the time”, ayon pa sa kanyang YouTube channel bio.
Bilang isang social media influencer, hindi lang tawa ang iniwan ni LC sa lahat pati na rin kwentong kapupulutan ng aral. Isa na nga rito ang pagpapakita ng kabutihan sa kapwa.
Sa kanyang “LC Gives Back” vlogs ay namigay ng tsinelas, sapatos at school supplies si LC sa maraming bata. Namigay din siya ng libo-libong relief goods sa mga naapektuhan ng pagsab0g ng bulkang Taal at p@ndemya. Nag-abot din siya ng tulong para sa mga medical frontliner. At sa kanyang pinakahuling vlog, nag-donate si LC ng tablets para may magamit ang ilang kabataan sa kanilang online class.
Bukod dito ay hindi rin nakalimutan ni LC na ibalik ang pagsasakripisyo ng kanyang mga magulang para sa kanila. Kamakailan lang ay tinupad ni Lloyd ang pangarap ng kanyang ina at ipinagawa ang dream house nito.
Kaya’t maraming nalungkot sa biglaang paglisan ni LC sa edad na 26. Gayunpaman, marami ang nagsasabing nagamit niya ang kanyang talento sa maayos na paraan at nagawa na niya ang kanyang layunin sa buhay. Maiksi man ang kanyang buhay sa mundo, ang mga alaalang kanya namang iniwan ay mananatili ng panghabambuhay.
The post YouTube vlogger na si Lloyd Cadena, nag-iwan ng magandang alaala sa kanyang mga tagahanga appeared first on Trend Star.
Source: Trend Star
0 Comments