Isa ang parol sa mga iconic symbol ng Paskong Pinoy. Anila, hindi magiging kumpleto ang Paskong Pinoy kapag walang mga parol. Ang pagsasabit ng parol sa mga kabahayan at gusali ay hudyat na Christmas season na.
Masayang-masaya naman ang mga gumagawa ng parol kapag Christmas season na dahil kumikita sila ng pera.
Ngunit kamakailan lamang ay isang parol maker ang umiiyak habang ibinabahagi ang kanyang lungkot matapos kanselahin ng kanyang buyer ang inorder nitong 700 piraso ng parol.
Sa kanyang Facebook account ay sinabi ni Maximino na hindi niya mapigilang umiyak matapos ngang hindi kunin ng buyer ang mga ginawa niyang parol na nagkakahalaga umano ng 100 libong piso.
Sinabi rin ni Maximino na nangangamba siya dahil mababaon na naman umano siya sa utang dahil sa pagkansela ng buyer.
“Hindi na kukunin ng buyer. Sayang, P100,000 lahat ng bayad. Paano na ako? Baon na naman ako sa utang,” saad ni Maximino.
Bukod pa rito ay hindi rin alam ni Maximino kung saan siya kukuha ng pambayad sa walo pa niyang tauhan na kinuha niya upang tumulong sa kanya sa paggawa ng mga parol.
Sa kabila naman ng nakakalungkot na sinapit ni Maximino ay maraming tao ang handang bilhin ang mga hindi naibentang parol niya.
Matapos ngang mapanood ng mga netizen ang video ni Maximino sa Facebook ay marami ang handang tumulong sa kanya. Binili ng ilang netizens ang mga hindi naibentang parol ni Maximino.
Samantalang, ang natitira pang mga parol ni Maximino ay pinakyaw naman ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Sa hiwalay na Facebook post, abot langit naman ang pasasalamat ni Maximino sa lahat ng tumulong sa kanya. Kabilang sa mga pinasalamatan ni Maximino ang alkalde ng Maynila na si Mayor Isko Moreno Domagoso.
“Maraming salamat po mayor yorme…Kahit nag viral ako hindi ko naman alam na mangyayari ‘yun. Salamat sa lahat ng tumulong, saludo po ako sa lahat sa inyo.”
Dagdag niya, “Natapos na ang problema ko o namin ng mga kasamahan ko sa paggawa ng parol…”
May payo naman si Maximino para sa lahat ng mga humaharap sa problema. Aniya, “Sa mga may problema diyan wag kayong mawalan ng pag-asa. Ang problema malalagpasan mo ‘yan basta sa taas ka tumingin at magdasal ka lang. Salamat po Lord pinakinggan mo dalangin namin amen.”
The post Nag-viral na parol maker, abot-langit ang pasasalamat kay Yorme Isko Moreno matapos nitong pakyawin ang mga hindi naibentang parol appeared first on Trend Star.
Source: Trend Star
0 Comments